Balitang Internasyonal

Balitang Internasyonal

MALAYSIA

Walong Pinoy ang dinakip ng Malaysian authorities matapos pumasok nang illegal kahapon ng madaling-araw sa Sabah di kalayuan sa lalawigan ng Tawi-Tawi ng auto­nomous region in Muslim Mindanao o ARMM.

Ayon sa ulat, naka­takas ang nagmamaneho ng speedboat na nag­dala sa mga pasahero na sinasabing nagmula pa sa lalawigan ng Basilan.

Kinumpirma naman ito ni Sabah Region 4 Marine police commander Assist­ant Commissioner Mohd Yazib Abd Aziz at nabatid na ang mga dinakip ay may edad na 13-53.

Nasakote ang mga ito matapos na makatanggap ng report ang ­grupo ni Yazib sa pagpasok ng speedboat kung kaya’t agad na silang nag-abang hanggang sa maispatan ang mga ito.

Hindi naman inilabas ng Malaysia ang mga pangalan ng mga nahuli dahil sa patuloy ang interogasyon sa mga ito.

Nakuha sa kanilang pa­ngangalaga ang ibat ibang identification cards. Kasalukuyang nakapiit ang mga ito sa Kampung Padas na kung saan dumaong ang speedboat.

Talamak pa rin ang pagpasok ng mga ­Pinoy sa Sabah nang illegal at karamihan sa mga ito ay sa Tawi-Tawi sumasakay patungong Malaysia.

SOUTH KOREA

Nagbabala ang opisyal ng nasabing bansa na muling magsasagawa ng missile test ang North Korea.

Ayon sa mababatas na si Kim Byung-Kee, inamin ng National Intelligence Service o NIS ng Seoul na nakahanda na ang Pyongyang ng missile test at ito ay posibleng isagawa sa mga tunnel ng kanilang nuclear test site.

Huling nagpalipad ang North Korea noong Sabado, ito na ang pangalawa ngayong buwan.

Magugunitang inalmahan ng North Korea ang pagsasagawa ng military drill ng US sa South Korea.
Hiniling kahapon ng pamahalaan ng China sa North Korea na sundin ang naging ruling ng United Nations o UN at huwag ng palalain ang tensyon sa Korean Peninsula.

Sinabi ni Chinese Foreign Minister Wang Yi kay North Korean Foreign Minister Ri So-young, na ihinto na nito ang missiles test upang hindi lumala ang tension sa Korean Peninsula.

Nagpalabas ang UN Security Council ng resolusyon kung saan ay nais nilang patawan ng sanction ang Pyongyang dahil sa patuloy na missile tests nito.

Pinayuhan din ni Wang Yi ang North Korea na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa mga kalapit-bansa upang mapahupa ang tensyon sa Korean Peninsula.